DALAMPASIGAN
Ikaw ay buhangin, at ako ang karagatan. Hinahagkan ko ang bawat butil ng iyong pagkatao. Tinatanggap. Niyayakap. Inaabot ang kabuuan mo upang mas lalo kang maintindihan. Ngunit hindi ko makayanan. Palagi akong kinakapos. Malawak pa ba ang dagat kung hindi ka kayang abutin? Malalim pa ba ang dagat kung hindi ka kayang lunurin? Alam kong nararamdaman mo kapag pinapalamig ko ang iyong mga paso. Ngunit nababasa man kita’y matutuyo ka rin mamaya-maya. Kalilimutan mo rin ako. Maglalakbay ka na tila alikabok sa bawa’t hakbang ng mga turista. Mga turistang walang ginawa kundi ang tapakan ka. Ngunit huwag mag-alala. Nandito pa rin ang dagat na tatawid sa hangganan ng dalampasigan upang patuloy na abutin at intindihin ka. Andito pa rin ang dagat upang tanggapin at yakapin ka. Sa gabing ito tayo lang ang matitira. Kahit na kalingkingan lang ng daliri mo ang kaya kong hagkan, sabay tayong mangangarap sa mga bituin sa kalangitan.
Sa gabing ito, ikaw ay buhangin, at ako ang karagatan. Ngunit ngayo’y nangangarap akong makita mo ang kabuuan ng aking misteryo. Patuloy akong maglalaro sa isip mo. Sino nga ba ako? Sana’y malaman mo na malawak ang dagat dahil kahit papaano’y naaabot ka. Malalim ang dagat dahil kahit paano’y naiintindihan ka. Sa katahimikan ng laot, hayaan mong ako’y mahimlay sa iyong mga bisig. Sapagkat sa dalampasigan maaaring magsimula ang iyong pag-ibig.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home